Wednesday, March 16, 2011

Vicious Cycle



1.
Pebrero beinte sais, isang taon matapos ang dekada ng ikalawang milenyo.



Ilang buwan na rin mula nang nagparamdam s'ya muli. Halos tatlong taong walang komunikasyon, heto na naman. Tatlong taon... sinong mag-aakalang ganoon na pala katagal.


Nag-umpisa sa chat sa YM tapos email tapos sa Facebook at kung saan-saan pang komunikasyon ng makabagong teknolohiya. Naaksidente sa motor sa probinsya nila. Nakapagcall center na rin doon. Nagpaalam na nandito na s'ya ulit sa Maynila. Hindi ako agarang sumagot sa kanyang mga paramdam. Iniisip ko pa kung babalik na naman ako sa dati at mahuhulog sa isang PKPH (Parang Kayo Pero Hindi) na sitwasyon o gapasin na at lagyan ng asin bago pa umusbong ang mga damo na tiyak na gugulo sa buhay ko.

Pero ang totoo, gusto ko s'yang makita. Gustong gusto. Nais kong masilayan ang mga marka na gawa ng aksidente, ang mga galos na nagawa nito sa kanyang buong pagkatao kung naghilom na rin ang sakit mula sa mga dagok ng nakaraan. Kamusta na kaya s'ya?

Mag-ingat sa mga kahilingang ibinibitaw sa hangin...

Isang Biyernes nakatanggap ako ng isang mensahe sa aking selpon.

"Mmmmmm. Uwi ka ba bukas?" Pangalan n'ya ang nakalagay sa mensahe. Nag-umpisa na ang pasakalye ng kantang aming dating sinasayaw.

"Well, pwede rin. My schedule on Saturday got canceled. Naubusan ako nag tickets. harhar"

"Ahh. Baka may lakad ka pang iba..."

"Wala rin naman."

"Manuelaville?"

"Okay." Napag-usapan na rin ang oras, small talk at kung ilan pang detalye.

Ang karamihan ay marahil mae-excite, kakabahan at mga halu-halong emosyon ang mararanasan. Ako? Wala. Nasa denial stage pa ko at marami rin akong iniisip sa trabaho at pamily noong araw na 'yun.

Ako'y pumasok sa trabaho, umuwi, natulog, nagising sa isa na namang mensahe galing sa kanya. Bandang alas-singko ng hapon sa aking wari. Sadyang ganoon 'yun. Makulit... na parang ikaw lang ang umiikot sa mundo n'ya para mangulit ng ganoon.

“Magayak na ho,” tugon ko.

“Hahay.” 'Yan ang reaksyon namin 'pag nakukulitan na kame sa isa't isa o 'pag wala na kaming masabi.

Walang nakakaalam na magkikita kami, kahit na ang kapatid ko na kasama ko sa apartment, ang housemate ko na itinuturing kong matalik na kaibigan o ang luntiang sporty jacket na panlaban sa ginaw ng hangin at nararamdaman.

Nagparehistro na ko sa unlimited text sa telepono ko upang mawala ang bagot na maaring dala ng dalawa hanggang tatlong oras na byahe at sa pangungulit n'ya sa kalagintaan nito.

Tulad ng maraming weekend na dumating sa buhay ko, may mga biglaang aya ng barkada. Isang movie marathon sa bahay ng mag-asawang kaibigan at house party sa Mandaluyong. Mayroon ding mga kailangan ng coaching session. Ang naging tugon ko lamang ay “I'm currently undergoing an emotional turmoil right now and going to the only person whom I handle me when I'm like this. Ironic since partly he's the reason.” PAK! Unti-unti nang lumalabas ang unang mga berso ng awiting minsan ko nang narinig.

Paano nga ba ulit kame unang nagkakilala?

Di ko rin mawaring mahigit kalahating dekada na rin pala mula noong araw na 'yon.

Walang mga kung anu-anong nakikita sa palabas sa telebisyon at pinilakang tabing. Nagkataong nag-proctor ako para sa midterm exams sa kolehiyong pinagtatrabahuhan ko noon. Nagkakulangan ng mga magbabantay sa mga estudyanteng kailangan bantayan at inalay ako ng aking boss sa kabilang departamento. Parang political favor.

May karanasan na rin naman ako sa classroom management (aka classroom power play) kaya't pagpasok ko ng kwarto game face agad. Sadyang natural na hindi maamo ang aking hitsura kaya hindi mahirap na mapa-amo ng singkwentang estudyanteng kukuha ng pagsusulit.

At pinagsimula ko na sila para madali nang matapos ang isang oras kong pagbabantay. Hindi talaga maiiwasan mapansin ko ang mga nangongopya. Marahil dahil sa pinagdaanan ko na rin 'un kaya't basang basa ko ang mga reaksyon ng may ginagagawang kababalaghan.

Nakakabagot magbantay. Marami pa kong kailangan tapusin: ang imbentaryo na pinapatapos ng boss ko, ang piyesang inilalapat ko sa kompyuter para ituro sa Sabado sa aking koro at mag-ikot upang malaman ang mga bagong kaganapan sa aming kumpanya. Unti-unti kong hinayaan ang mga pandurugas. Minsa'y lalabas kuno para may tignan at mawawala sa klasrum ng ilang minuto. Magbabasa kuno ng kung anu-anong papel na nagkalat saan-saan.

Bahagyang umingay ang silid dahil sa mga nagkakalahating upo para mas masilayan ang mga sagot ng katabi. Hanggang may naglakas loob na magtanong, “Ser, okay lang?”

“Are you asking me if I would allow you guys to copy from each other on the midterm exam of one of your major subjects?”

Tumahimik at umayos ang lahat.

“Frankly, I don't really care. Basta't 'wag lang kayo magpapahuli sa ibang teacher.”

Oo may pagkagago ako. Default setting na. Doon na lumabas ang mga nagpapa-cute na tila ganti ng pagpapasalamat. Ang mga palabiro ay humihirit na rin. May mga iilang pasok sa merkado ko ngunit hindi madali 'pag nasa ganoong posisyon ka kaya hanggang matamis na ngiti lang ang isinukli ko. Isa s'ya sa mga palabiro at nagpapa-cute noon ngunit 'di ko naman talga s'ya napansin. Just one of the faces in a crowd 'ika nga.


2.
Dahan-dahang pinipintahan ng dapithapon ang ang kahabaan ng EDSA. Nagsimula na rin s'yang mangulit. Minsa'y sunud-sunod, minsan nama'y may kahabaan ang mga pagitan ng pagtugon.

“San ka na? Hahay! Tulog na naman....”

“Teka lang. May 'napakuha sa akin...”

“Hahay! Parang kanina pa 'yang biyahe sa lugar na 'yan. Trapik pa ba ngayon?”

Pumara na ako malapit sa may terminal ng jeep. Ang aming pagtatagpuang lugar ay malapit lang naman at kayang lakarin. Nagpasabi na akong maglalakad papunta sa lugar na pagtatagpuan.

“Mmmm. Mukhang mauuna ka pa sa akin. Okay lang ba pahintay muna ako?”

Hahay. At nagpahintay pa. Kahit na pilit s'yang umiiwas sa kultura ng pamilya n'ya, sadyang lumalabas nang kusa ito. Genetic.


Sa aking pagiging lagalag sa kolehiyong pinagtatrabahuhan, nagkabanggaan ulit kami.

Nagsimula sa mga tango at pagtaas ng kilay na pagbati sa mga pamilyar na mukha mula sa batch na binantayan ko ang pangongopya. Tapos panakanakang napagtatanungan ng kung saan ang event ng kurso nila o kung kailan ang ganito at ganyan, hanggang sa nakabisado ko na ang mukha at napag-alaman ang pangalan n'ya. Minsan ay dadaan pa sa aming munting opisina upang makipagkwentuhan kapag umaabot ng dalawa hanggang tatlong oras ang break n'ya. Di rin naman bago ito sa akin dahil marami rin namang mga estudyante at katrabaho ko na duamdalaw para makipaghuntahan.

Matapos ang dalawang taon na pagsisilbi sa kolehiyo napadpad ako sa Maynila upang humarap sa mga bagong pakikipagsapalaran at karanasan na makakatulong sa pag-unlad ng aking pagkatao. At s'yempre para sa mas mataas na sahod. Kung kailan ako nakalayo ay doon naman kami nagsimulang maging mabait.



“Makakapagantay ka pa ba? Nasa BiƱan palang ako.”

Muntik nang humampas ang kilay ko sa signage ng gas station na kinatatayuan ko, tabi ng establisyementong aming pagkikitaan.

Agad akong tumugon, “Eh di sana sinabi mo sa Binan ka pa pala manggagaling para nakauwi pa sana ako't nakapagpahinga. Text ka nalang 'pag nasa Dasma ka na.”

At habang lumilipad ang mga titik sa ere bumungad sa akin ang isang mukhang pamilyar. Nakapangasar na ngisi at binabasa ang mensahe sa telepono.

“Loko!” Bungad ko.

“Nakaganti ka naman eh. Sabi mo andito ka sa Lush eh, gas station 'yan.”

Tinapik ko s'ya sa balikat. “Oh, saan tayo?”

Tumaba s'ya kumpara sa mga litratong nakita ko noong Enero. Ngunit walang masyadong nagbago sa itsura n'ya mula ng huli kameng nagkita, may dating parin. Dilaw na pantaas na may disenyong Vitruvian Homer Simpson, pantalong maong at ang luma n'yang rubber shoes. Maganda pa rin ang bulas at tindig n'ya kahit halos magkasing tangkad kami. Nakasuot na s'ya ng salamin na may grado ngayon, marahil dahil sa aksidente.

“Antagal ko na rin 'di napagawi dito,” sabi ko habang naglalakad kami sa kahabaan ng maliliit na mga bar ng DasMalate kung tawagin.

“Huling punta namin dito napaaway kame sa mga kabataan d'yan. He he he. Kasalanan naman nila eh, natabig nila ung fries ko.”

Lapitin talga ng gulo ang mokong.


Disyembre, apat na taon na ang nakakaraan, noong nagpalit sa Globe dahil hindi na praktikal sa akin ang manatili sa Smart. Marami na rin akong mga kaibigang nate-text ko na sa kabilang network, kasama na s'ya doon.

Pagdating ng Enero ay 'di ko na namalayan na halos lahat ng oras na gising kame ay nag-uusap kame sa telepono, mapatext man o tawag. Parehas 'ata kameng madiskurso at ayaw magpatalo kaya't humahaba nang humahaba ang kanya kanyang litanya. Ito na rin marahil ang dahilan kung bakit lalo pang lumalim at unti-unti akong nalulong sa aming pagkakaibigan.

Madalas na akong umuwi ng Cavite. Umabot sa puntong lingguhan na ang dati rati'y buwanang uwian. Dumalas na rin ang aming paglabas. Kadalasay nagsusuyod kame ng mga comedy bar o inuman kasama ang ilan sa aming kaibigan o di kaya'y one-on-one.


“Oh, What's our poison tonight?” tanong ko.

“Dating gawi nalang. Baka hikain ka na naman. Hahaha!” Parehas kame okay sa Red Horse. May allergic reaction ako sa ibang hard liquor. “Nabasa mo na ba 'ung bagong libro ni Bob Ong?”

“Hindi pa eh. Wala akong oras mapunta sa bookstore.”

“Ah...”

Nakuwento n'ya ang mga nangyari sa kanya sa probinsya. Sinikap n'yang magsimula ng bagong buhay. Isa s'ya sa mga apo ng maimpluwensyang pamilya sa Visayas. Noong nag-apply s'ya sa isang maliit na call center sa Ortigas, namukhaan s'ya ng may -ari na naginterview sa kanya. Magkahawig sila ng lola n'ya, ang pinagkukunan ng mga pangalakal na diamante na negosyo rin n'ya. Tumawag agad ang kanyang lola kinabukasan at tinatanong kung ano ang pinaggagawa n'ya sa buhay n'ya at pinapauwi na agad ng probinsya. Minsan ang ating pamilya ang nagiging sumpa sa atin.

“Kamusta ka na?” bungad n'ya.

“Ikaw... Ano ba nangyari sa'yo?”

Tumakas s'ya papuntang probinsya upang magsimula ng bago. Humiwalay s'ya sa kanyang mga kapamilya at nangupahan kasama ng kanyang ama. Natanggap naman s'ya sa isang call center. Nakapag-ipon para sa minimithi n'yang motor. Nakapasok s'ya sa elite racing circle ng kanilang lugar dahil na rin sa kanyang galing. Doon din unti-unting nagsimula ang pagtupad ng kanyang mga ninanais n'ya sa buhay. Wala na s'yang problema sa pera. Di tulad noong iginagapang pa n'ya ang kanyang pangkolehiyo. Nagagawa na n'ya ang gusto n'ya, di tulad dito na nalilimitahan ang mga kilos. Dito rin nagumpisang magkaroon ng mga munting lamat sa kanyang buhay.

Pera. Droga. Alak. Makamundong bisyo. Dito umikot ang buhay n'ya sa loob ng dalawang taon. Hindi raw s'ya naging masaya. Kasama n'ya ang kanyang ama sa bahay na inuupahan. Nagkikita lamang sila sa kabaret kapag dumating ang sustento nito sa kanyang lola o sa mga pasadang van na binigay sa kanya.

Nakalalasing raw ang libog ng kapangyarihan. Kapag nakatungtong ka na sa taas, nakahihibang ang kalayaan. Unti-unti n'yang napansin ang kalungkutang namumuo sa kanyang buhay. Isa-isa na rin lumalabas ang mga problemang pilit n'ya lamang palang isinasa-isang tabi.

Kaarawan n'ya noong nakaraang taon noong sumakay s'ya sa kanyang motor upang ikondisyon ito para sa isang malaking karera kinabukasan. Customized ang makina nito kaya't kayang umabot ng 150 kph ito kahit na mukhang BMX lamang ito.

Masarap ang dampi ng hangin sa kanyang mukha. Tila may kakaibang bumabalot sa kanyang pagkatao. Ang huli na lamang n'yang natandaan ay huminto ang jeep sa harap n'ya at pinilit n'yang magdrift upang maka-iwas.

“Pagdilat ko nakita ko ang laki ng karayom na tinatahi sa mukha ko. Sinabihan ko 'ung nurse na palitan ung karayom.” Masaya n'yang kinukwento habang namumutakti ako ng pulutan. “Alam ko na naaksidenta ako, tapos basag 'ung lahat ng ipin ko sa harap. Tinanong ko 'ung nurse kung nasa private ako. Nung sinabi n'ya na provincial hospital ako, nagwawala na ko na ilipat doon sa ospital namin dahil may insurance nman ako. Hahaha.”

“Bratinelo ka talaga.” Nakatapos na kame ng isang bote kaya't medyo nkakapagloosen up na kame.

“Umabot 'ata ako ng P250K, binayaran ko lang eh P600. Ewan ko ba sa pamilya ko, wala naman silang binayaran. Parang mga sira...”

Basag ang mukha n'ya dahil sa insidente. Nakapagpadala s'ya sa akin ng ilang litrato noon. Kinailangang maglagay ng gasa sa bibig n'ya sa sobrang pagkamaga.

“All or nothing na 'ko noon. Hindi nakakatakot 'pag andun ka na. Mas nakakatakot 'pag nabuhay ka. Andaming consequences. Andaming dapat ayusin pagkatapos.”

“Gago. Tumatakas ka na naman sa realidad mo.” Bigla ko nalang nabulalas.

Bigla siyang tumawa nang malakas.

“'Yan 'ung kanina ko pa hinihintay. Hahahah! Ang guarded mo kanina.”

“Guarded?! Gago. Bigla kang nawawala ng ganoon. Anong akala mo may banda na sasalubong sa'yo?!”

Bigla nalang humagalpak ng tawa. “Ikaw na nga 'yan. Buti nakarating ka.”


3.
“Uy! May regalo nga pala ako sa'yo. Hehehe! Meron pang isa pero mamaya na ha.” Habang binubuksan n'ya ang isang plastik na lalagyan nakita ko ang kulay lila na libro. Kinailangan ko pang basahin ang taytel para malaman kung sino ang may akda.

“Whaaa! Salamat!” Ang mga Kaibigan ni Mama Susan ni Bob Ong.

At nagsimula na ang mga diskusyon sa mga akda ni Ong at kung anu-ano pang pilosopiya ng buhay.

Mahilig s'ya sa ganyan, mga sorpresang 'di mo inaasahan. Maatensyon s'ya sa detalye. Noong minsan may pinapanood kameng TV series sa bahay ng isang kaibigan nang mabanggit ko na matagal na kong naghahanap noong bracelet na gawa sa parang mga sea shells. Nagulat na lang ako noong sunod na magkita kame eh nakahanap raw siya, sa alabang daw marami sabay bigay ng maliit na plastik na lalagayn.

Sa aking pagkalulong sa kanya, di ko namamalayang pilit ko nang pinapasok ang sarili ko sa buhay n'ya. Nakakabulag ang kanyang mga paglalambing at atensyon. Alam n'ya kung kailan tatahimik 'pag mainit ulo ko. Kabisado na rin n'ya kung kailan kailangan ko ng mangungulit kahit sinasabi kong lumayas s'ya sa harap ko.

Sino ba ang hindi mahuhulog sa isang taong kayang sumayaw sa saliw ng iyong musika? S'yang kabisado ang buo mong pagkatao?
Ang kaisa-isang taong kaya kang pangitiin kapag unti-unti ka ng binibigo ng buhay? Masisisi mo ba ako?

Matapos ang anim na buwan napag-isipan kong umiwas na muna. Dumalang ang mga mensahe at tawag. Paunti-unti narin nabawasan ang aming paglabas.

Isang Linggo ng gabi bigla s'yang nagaya para maghapunan, libre n'ya raw. Wala rin namang iba. Siguro mas may distansya na ko sa pag-uusap namin. Kung alam ko lang na halos tatlong bago kami magkita ulit, sinulit ko na ang mga oras na iyon.

Matapos ang gabing iyon wala na akong narinig sa kanya. Nabalitaan ko nalang na kumukuha s'ya ng klase sa review center sa Maynila.
May nakapagsabi rin na nabasag n'ya ang mukha ng kanyang kasama sa dorm dahil uminit ang ulo n'ya noong inaasar s'ya at napa-blotter. Umuwi s'ya ng probinsya at di nagkasundo ng lolo n'ya kaya't bumukod.

Kung hindi ba ako umiwas halos tatlong taon na ang nakakaraan, naiba kaya ang mga nangyari? Umalis ba ako noong panahong higit na kailangan n'ya ng kaibigan? Lumipas na ang mga panahong ito. Walang silbing pag-isipan pa ang nakaraan. Ilang taon kong hinintay ang pagkakataong ito.


Bumalik s'ya mula sa palikuran.

“I know this is going to sound pretty awkward but I really need to tell you this.” Alam n'yang seryoso ako. Nagbago na rin ang mood n'ya. Napag-uusapan man namin ang ganito sa aming dalawa eh bihira. Siguro parehas lang kameng ilang ngunit kailangan na maayos na ang mga bagay na ito. “For almost three years na nawala ka, I thought I was already over you. I went out with others and all that, even got into my longest relationship. Pero nung muli kang nagparamdam a few months ago, n'un ko napagtanto na I've never gotten over you and I'm still madly in love with you. Ewan ko ba... Selfish ka kase. Maramot ka.”

Tahimik. Ilang minuto rin ang lumipas bago s'ya tumugon.

“Kung selfish ako eh di sana pinaasa na lang kita noon pa. That's not the case. Ever since alam mo naman eh. At never kita pinigilan. And why do we have to go into a relationship kung okay tayo ng ganito? Alam mong ayoko lang na meron tayong parang obligasyon or we feel the need to compromise to each other. At alam mo rin namang magkaibang tao tayo 'pag nasa relasyon.” Noon ko lang s'yang nakitang ganoong kaseryoso. Noong pinag-uusapan namin 'to, isa o dalawang linya lang na sagot, tapos nag-iiba na kame ng usapan.

“Eh alam ko naman ang lugar ko sa mundo mo, pero di mo ko masisisi kung paminsan-minsan gusto kong maging akin ka na lang... na sana ako na lang.”

“Let me put it this way, importanteng importante ka sa akin at may espasyo ka sa buhay ko. At the end of the day... at the end of it all, in a weird kind of way, tayo pa rin naman eh. Hindi naman ako mawawala, hindi kita iiwan eh.”

Lungkot at saya at kung at anu-ano pa ang bumuhos sa aking kaluluwa. Hindi nga s'ya mawawala pero hindi rin naman magiging kame.

“Hay! Tama na nga 'yan. 'Nga pala, heto ung isa ko pang regalo sa'yo. Hahaha!”

Iniabot n'ya ang kulay berdeng plastik. Pagbuklat ko ay DVD case. Dark Knight. Dapat sabay naming papanoorin ito sa sinehan. Isa sa mga pangakong hindi na niya natupad sa akin.

“Pasensya ka na. Hindi original 'yan. Wala na kase akong pera. Sa Ebay ko lang nabili.”

“Naku! Pinanood mo na 'to no?! Palusot ka pa.” Sabay kaming nagtawanan.

“Alam mo minsan naisip kong ipalakad na 'ung mga papeles ni Gie para makapag-abroad.”

Nakatitig siya sa akin at gulat na gulat. “Paano mo nalaman 'ung pangalan n'ya?!”

“Ha? Eh, sa Facebook di ba nakatag na 'In a Relationship' kayo.” Sa loob ng halos kalahating dekada, noon lang nabanggit ang pangalan n'ya. Nawala rin sa loob ko. Mahigit isang taon na sila bago pa namin napagtanto na nag-eexist ang isa't isa. Alam ko ring kahit anong mangyari si Gie pa rin ang babalikan n'ya, ang comfort zone ng puso n'ya.

“Hahaha! Sira ulo ka talga. Akala ko naman kung ano. Para pala masolo mo ko. Hahaha!”

Heto na naman kami, sumasayaw sa saliw ng aming musika.






6 comments:

joshee said...

I like the choice of words...may pagka-old school but it worked!

Love the lines...I'd want to know what happened when they met tho. :D

Anonymous said...

The way the author delivers his narrative for me was very fitting to the theme of the story. The words used and the flashback moments were enough to give the readers a sense of how the characters developed overtime.
The unfinished ending was very fitting to the title, as it gives the reader a sense that the heroes of the story would likely be involved on another vicious cycle.
All in all it was a good read.
-caleb from PG4M.

Tobie said...

Beautiful.
Lovely and moving.

John Lloyd and Piolo dapat ang cast.
And very emotionally charged without going over.

Thank you for letting me read this.

tadong daniel said...

ang ganda ng paglalahad ng istorya.

Unknown said...

Thanks, TD.

Ju-chan said...

Hangganda naman pala ng kwento. Ngayon ko lang nabasa ng tuluyan.
Thanks for this post mo :D